MALAKAS NA ULAN SA CAGAYAN VALLEY, ASAHAN DAHIL KAY DANTE

Cauayan City – Ganap nang naging Tropical Depression ang dating Low Pressure Area (LPA) sa silangan ng Central Luzon at pinangalanang #DantePH ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ngayong alas-dos ng hapon, Hulyo 22, 2025.

Ayon sa ulat ng PAGASA at ng Public Weather Service/Philippine Synoptic Unit (PWS/PSU), inaasahang lalong lalakas at magpapatuloy ang pag-iral ng habagat o southwest monsoon dulot ng presensiya ni Bagyong Dante, na siyang magdadala ng malalakas na ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon sa mga susunod na araw.

Inaasahang makararanas ng malalakas hanggang sa katamtamang pag-ulan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon (partikular ang Zambales, Bataan, at Pangasinan), Metro Manila, CALABARZON (Batangas, Cavite, Laguna) at MIMAROPA (Occidental Mindoro at Palawan).

Inaabisuhan naman ang mga residente na maging mapagmatyag sa mga posibleng pagbaha, landslide, at biglaang pagtaas ng tubig sa mga ilog at dalampasigan.

Bagaman si Bagyong Dante ay hindi inaasahang direktang tatama sa kalupaan sa ngayon, ang epekto nito sa habagat ay inaasahang magpapatuloy sa pagdadala ng malalawak na ulan, lalo na sa hapon at gabi.

Naglabas na ng paunang paalala ang PAGASA para sa mga lugar na nasa yellow at orange rainfall alert levels. Pinapayuhan ang publiko.

Inaasahang maglalabas ng regular na bulletins ang PAGASA kada 6 na oras, habang nananatiling aktibo si Bagyong Dante.

Facebook Comments