Malakihang media coverage sa mismong SONA, malabo pa ayon kay Speaker Lord Allan Velasco

Kinumpirma ni House Speaker Lord Allan Velasco na malabo pang mangyari ang malakihang media coverage para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aminado si Velasco na imposible pa rin sa ngayon na magsagawa ng malaking media coverage sa Batasan Complex dahil isa sa iniiwasan nila ay maging “super spreader” event ang magaganap na SONA.

Dahil dito, tanging government channel na PTV-4 pa rin at RTVM ang opisyal na papayagang makapasok at mag-cover sa loob ng Batasan.


Tulad noong nakaraang taon ay ifi-feed o hu-hook up na lamang ang ibang mga television at radio stations sa PTV-4 o kaya sa RTVM.

Samantala, madadagdagan na aniya ang 50 guests na pinayagan noong nakaraang taon na dumalo sa SONA.

Sa panig ng Kamara ay posibleng 100 hanggang 150 House members ang papayagang makapasok sa SONA habang nasa 40 naman sa Senado, hindi pa kasama rito ang iimbitahang bisita ng Malacañang.

Para matiyak ang kaligtasan ng lahat at kalusugan ng pangulo, tanging mga “fully vaccinated” na mga dadalo ang papayagang makadalo sa SONA at kailangan pa rin nilang magbigay ng negative RT-PCR test result at sumailalim sa antigen sa mismong araw ng SONA.

Facebook Comments