Magkakaroon ng panibagong approach ang Hatid Tulong Program sa pagpapauwi sa Locally Stranded Individuals (LSIs).
Ayon kay Hatid Tulong Lead Convenor at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo, hindi na sila magkakaroon pa ng malawakang send-off sa LSIs na pabalik ng kani-kanilang lalawigan.
Paliwanag ng opisyal ang susunod nilang gagawin ay packet send-offs o clustered send-offs nang sa ganun ay mahigpit na maipatupad ang health safety protocols.
Matatandaang inulan ng batikos ang nasabing programa makaraang magdagsaan kamakailan ang LSIs sa Rizal Memorial Sports Complex at hindi ito na-organisa ng maayos.
Maliban sa hindi nasunod ang social distancing, nabasa pa ng ulan ang mga naghihintay makauwi na LSIs.
Sa ngayon, ayon kay Encabo, hinihintay pa nila ang approval ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung i-e-exempt mula sa travel ban ang LSIs makaraang muling ipatupad ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.