Kapit mga motorista!
Nakaamba na naman ang malakihang taas-presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa ilang oil industy, maaaring tumaas ng P5.40 hanggang P5.70 ang presyo kada litro ng diesel.
Habang, posibleng tumaas naman ng P1.30 hanggang P1.60 kada litro ang presyo ng gasolina.
Kasunod nito, kinumpirma ni Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Rino Abad na inaasahang tataas ng mahigit P5.00 ang kada litro ng diesel at kerosene, habang nasa higit P1.00 ang taas-presyo ng kada litro ng gasolina.
Ayon kay Abad, nakaapekto sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay ang pagtaas ng demand ng gasolina sa Estados Unidos at Europa sa gitna ng patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Dagdag pa ni Abad, ang pagtanggi ng Russia na mag-suplay ng langis sa Europa, ipinatutupad na lockdown sa China at kakulangan ng suplay sa Amerika.
Batay rin sa pinakahuling datos ng DOE, pumalo na sa P18.15 ang year-to-date total adjustments sa net increase ng kada litro ng gasolina at P31.70 naman sa kada litro ng diesel.
Karaniwang ipinatutupad ang price adjustments ng produktong petrolyo tuwing araw ng Martes.