Cauayan City, Isabela- Malaki umano ang gampanin ng mga Guro sa lipunan kung kaya’t marapat lamang na bigyan sila ng dagdag na benepisyo na kanilang magagamit para sa kanilang sarili at pamilya.
Ito ang tugon ni dating Senador Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. kaugnay sa umano’y hindi pa naisasapinal na benepisyo ng mga Guro ngayong darating na halalan 2022.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Marcos, una rito ay kailangan umanong mabigyan ang mga Guro ng kaukulang bakuna kontra COVID-19 upang maging handa ang mga ito ngayong eleksyon na walang pangamba.
Aniya, kawawa ang mga Guro dahil sila umano ang pangunahing humaharap sa mga komunidad na mag-organisa ng mga iba’t ibang aktibidad.
Giit pa ng dating Senador, kailangan rin na mabigyan ng Special Risk Allowance (SRA) ang mga Guro na magsisilbi sa halalan maliban sa benepisyo na nakatakda sa batas na kanilang tinatanggap.
Dagdag pa niya, mas marami pa umano ang mga trabaho ng Guro dahil ito umano ang nagsisilbing kinatawan sa mga maliliit na komunidad para makapagbahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral.
Hindi rin umano biro ang trabaho ng isang Guro habang nakasailalim sa distance learning dahil sa COVID-19.