Malaking bahagi ng mahigit P5 trillion na 2022 budget, nakatutok sa pagbangon at pagtugon ngayong pandemya

Nakasentro ngayon ang P5.024 trillion na 2022 national budget sa pagbangon at pagtugon laban sa COVID-19 pandemic.

Ngayong umaga nga ay naisumite na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pambansang pondo para sa susunod na taon na may temang “Sustaining the Legacy of Real Change for Future Generations”.

 

Ang sektor para sa social services ang makatatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pondo na aabot sa P1.922 trillion.


Nasa P252.4 billion naman ang alokasyon para sa activities at programs bahagi ng COVID-19 response.

Nakapaloob sa sektor na ito ang pondo para sa mga health-related services tulad ng implementasyon ng Universal Health Care Act, pagbili ng COVID-19 vaccines, mga Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies.

Kasama rin sa pondo na ito ang education related-programs tulad ng free tertiary education.

Pumangalawa naman ang economic services sector sa may malaking pondo na aabot sa P1.474 trillion kung saan nakapaloob dito ang flagship programs sa ilalim ng Build, Build, Build projects ng Duterte administration.

P862.7 billion naman ang general public services sector habang P541.3 billion naman ang inilaan para sa pambayad ng bansa sa utang at P224.4 billion naman sa defense sector.

Samantala sa mga ahensya ng gobyerno, pinakamataas pa rin ang education sector na may P773.6 billion, kabilang dito ang Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs), at Commission on Higher Education (CHED). Pumangalawa naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na may P686.1 billion, kasunod nito ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P250.4-B, pang-apat ang Department of Health (DOH) na may P242-B, kasunod ang Department of National Defense (DND) na may P222-B. Pang-anim naman ang P191.4-B ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sunod ang Department of Transportation (DOTr) na may P151.3-B, pangwalo ang Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) na may P103.5-B at Department of Labor and Employment (DOLE) bilang panghuli na may P44.9-B.

Facebook Comments