14.12 billion pesos ang panukalang pondo para sa National Economic and Development Authority (NEDA) sa susunod na taon.
Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni NEDA Secretary Karl Kendrick Chua na 11.1 billion pesos dito ay para sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Chua, kabilang sa mga prayoridad ng PSA ang implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys) na tinatawag din National ID system, gayundin sa pagsasagawa ng mga census, survey at iba pa nitong mandato.
Inihayag ni Chua na sa 2022 ay target ng PSA na mapaabot sa 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino na ang mairehistro sa PhilSys.
Sabi ni Chua, noong October 8, 2021 ay 43.2 milyong mga Pilipino na ang nakarehistro sa Step 1 ng National ID system at 35.9 milyong mga Pilipino naman ang nakatapos na sa Step 2.
Dagdag ni Chua, sa susunod na taon ay 22 milyong mga Pilipino ang hangad na maidagdag sa mga nakarehistro sa PhilSys at 5 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) at kasama rin sa plano ang pag-release ng 37 milyong mga ID card.
Binanggit ni Chua na sa susunod na taon ay sisimulan na ng PSA ang pag-shift sa paggamit ng mobile IDs at iba pang digital credentials.