
Ibinabahala ni Davao City 3rd District Representative Isidro Ungab na maaring madiskaril ang mga estratehikong proyektong pang-imprastraktura na mahalaga sa pagbangon ng ekonomiya at sa pagpapabuti ng urban mobility.
Sinabi ito ni Ungab, dahil sa malaking bawas sa pondo para sa Foreign-Assisted Projects ng Department of Public Works and Highways na ibinaba sa ₱17.7 bilyon lamang mula sa ₱100 bilyong piso sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.
Binanggit ni Ungab na tinapyasan din ang pondo ng mga foreign-assisted project sa ilalim ng Department of Transportation.
Pangunahing tinukoy ni Ungab na apektado ang budget para sa Metro Manila Subway na bumaba sa ₱20.4 bilyon mula ₱45.3 bilyon, gayundin ang pondo para sa North–South Commuter Railway na mula sa ₱76 bilyon ay naging ₱28.8 bilyon.
Kinuwestyon din ni Ungab ang nakakaalarmang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 national budget na nagkakahalaga ng ₱243.4 billion kung saan nakapaloob ang ₱35.7 bilyong government counterpart para sa mga foreign-assisted project.










