Itatalaga ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang malaking bilang ng makukuhang bagong contact tracers sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 19.2% o 28,800 mula sa 50,000 kukuning contact tracers ay magsisilbing contact tracing teams ng Metro Manila Local Government Units (LGUs).
Nananatili pa kasing isa sa hot spots ng COVID-19 ang NCR at marami pang naitatalang kaso.
Ikakalat naman sa iba’t ibang panig ng rehiyon ang iba pang contact tracers.
Pinasimulan na ng DILG ngayong araw ang pagkuha ng serbisyo ng karagdagang 50 libong contact tracers sa buong bansa para sa target na 150,000.
Para maging qualified sa pagiging contact tracer, kailangang tapos ang applicant ng Bachelor’s Degree o college level sa anumang medical course o criminology course.
Maaari silang magsumite ng application sa lahat ng DILG Provincial at City Field Offices sa buong bansa.