Malaking bilang ng mga nakumpletong flood control projects, proyekto pa ng mga nakaraang administrasyon — DPWH

Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na karamihan sa 5,521 na nakumpletong flood control projects ay proyekto pa ng mga nakaraang administrasyon.

Ito’y sa gitna ng mga batikos na palpak umano ang mga flood control projects na ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).

Sa Malacañang press briefing, ipinaliwanag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na 3,107 sa 5,521 na flood control ay proyekto ng nakaraang administrasyon at tinuloy lamang ng Marcos admin matapos maantala dahil sa pandemya at iba pang dahilan.


Habang 2,414 lamang dito ang sinimulang gawin noong 2022 hanggang nitong 2024.

Pinakamarami sa mga proyekto ay matatagpuan sa Region III (838 projects), National Capital Region (656 projects), Region V (513 projects), Region I (453 projects), at Region IV-A (435 projects).

Samantala, ayon kay Bonoan, nasa higit 5,000 na bagong flood control projects naman ang ipatutupad ng DPWH ngayong taon.

Ito’y bilang bahagi pa rin ng pagsisikap ng pamahalaan na malimitihan ang baha sa bansa sa tuwing may malalakas na pag-ulan.

Facebook Comments