Malaking bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 sa district at field hospitals sa Maynila, hindi pa nababakunahan

Inihayag ngayon ni Mayor Isko Moreno na nasa 65 percent ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na nasa mga district at field hospitals ay hindi pa nababakunahan.

Aniya, katumbas ito ng 308 na bilang ng pasyente habang nasa 11 percent o nasa 54 naman ang partially vaccinated o naturukan na ng first dose.

Umaabot naman sa 24 percent o 112 ang bilang ng mga pasyenteng nahawaan ng virus ang fully vaccinated.


Ang nasabing bilang ng mga pasyenteng ito ay mula sa Gat Andres Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital, Justice Abad Santos Medical Center at Manila COVID-19 field hospital.

Ibinahagi ng alkalde ang datos upang malaman ng bawat residente sa lungsod ng Maynila ang kahalagahan ng pagbabakuna kontra COVID-19.

Ngayong araw ay ikinakasa ang pagbabakuna sa 15 vaccination sites sa lungsod ng Maynila para sa mga A1, A2, A3 at A5 pero mahigpit na ipinagbabawal ang walk-in.

Facebook Comments