Malaking pagkalugi ng SSS at GSIS sa Megawide Construction Investment, sisilipin sa Kamara

Pinapaimbestigahan ng mga kongresista mula sa Bayan Muna Partylist ang malaking pagkalugi ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa investment nito sa Megawide Construction Corporation.

Sa House Resolution 2397 na inihain ng Bayan Muna, inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na silipin ang isyung ito.

Nakasaad sa resolusyon na hanggang nitong December 1, ang presyo sa Megawide share ay bumagsak sa P5.06.


Lumalabas na ang mahigit 80 milyong shares ng GSIS sa Megawide Construction na aabot sa P1.163 billion ay bumagsak sa mahigit P406 million na lamang.

Habang ang SSS na may share na mahigit 90 milyon sa kompanya na aabot sa P1.306 billion ay nasa mahigit P456 million na lang.

Sa kabuuan, aabot na sa P1.606 billion ang combined loss ng GSIS at SSS.

Mula nang magpandemya ay hindi na rin ito nakabawi.

Iimbestigahan ang nasabing investment dahil may mga limitasyon lamang dapat dito na nakapaloob sa Republic Acts 11199 at 8291.

Ipinunto ng may-akda na si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na nasasakripisyo ng investment na ito ang benepisyo ng publiko tulad sa inaasahang P1,000 na dagdag sa SSS pension ng mga senior citizen at mga manggagawa.

Facebook Comments