Pinapaimbestigahan ni Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa House Committee on Health ang umano’y pag-triple ng sweldo ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth noong 2022 habang may pandemya.
Sa inihaing House Resolution 1261 ay tinukoy ni Reyes ang report ng Commission on Audit na ang matataas na opisyal ng PhilHealth ay tumanggap ng kabuuang sweldo na P71.45 million noong 2022.
Triple aniya ito sa P26.2 million na kabuuang halaga ng sahod ng mga PhilHealth executives noong 2021.
Para kay Reyes, isang kalokohan at malinaw na kawalan ng pakialam sa kapakanan ng mamamayan sa gitna ng pandemya ang pag-apply ng PhilHealth ng certification para maitaas ng labis ang kanilang mga sweldo at allowance.
Dismayado pa si Reyes na hindi mabayaran ng buo ng PhilHealth ang balanse sa bill ng mga miyembro nito sa kabila ng milyon-milyong koleksyon mula sa pinataas na premium contributions, bilyones na kita sa mga investements at sangkaterbang pinagkukunan nito ng pondo.