Mapupunta sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang malaking bahagi ng pondo ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sa pagsalang sa budget deliberation ng DTI, lumalabas na ₱13.5 billion sa ₱20.162 billion na pondo ng ahensya ay mapupunta sa TESDA.
Paliwanag ni DTI Sec. Ramon Lopez, malaking pondo ang napunta sa TESDA dahil na rin sa scholarship programs para sa iba’t ibang skills at training na kanilang ibinibigay.
Sa nasabing budget ay ₱5.3 billion lamang dito ang mapupunta sa DTI.
Samantala, umapela naman si Deputy Speaker Loren Legarda na ibalik ang binurang ‘assistance to MSMEs’ ngayong 2020 sa budget ng DTI sa susunod na taon matapos na alisin ito at gamitin ang unreleased na pondo ng ahensya sa pagtugon sa COVID-19.
Iginiit ni Legarda na malaki ang maitutulong nito sa mga grass root rural livelihoods na matinding tinamaan ng pandemya.
Inaasahang higit ₱1 billion naman ang pondo para sa ‘assistance to MSMEs’ kung mai-re-restore sa susunod na taon ang budget na hindi nai-release dito sa 2020.