Malaking pondo para sa pagbili ng mga kagamitang pantugon sa oil spill, inihirit ng isang kongresista

Sa susunod na budget hearing ay isusulong ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee na laanan ng mas malaking pondo ang mga booms at iba pang kagamitan para matugunan at maiwasan ang lalo pang pagkalat ng oil spill sa karagatan.

Paliwanag ni Lee, ang oil spill ngayon sa Oriental Mindoro ay nagpapakita ng matinding kakulangan natin sa mga kagamitan para protektahan ang likas na yaman mula sa oil spills.

Ayon kay Lee, inamin mismo ng Philippine Coast Guard (PCG) na wala itong sapat na kagamitan para i-handle ang oil spill na dulot ng paglubog sa Oriental Mindoro ng MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.


Tinukoy ni Lee na tumutulong naman ang United States, South Korea at ang Japan na nagpahiram din ng mga kagamitan tulad ng oil blotters, oil snares, at oil-proof working gloves para sa paglilinis sa dalampasigan ng mga apektadong barangays.

Pero diin ni Lee, hindi pwedeng palagi na lang aasa ang Pilipinas sa tulong ng ibang bansa.

Kaya dapat aniya ay pagsikapan nating magkaroon ng sariling mga kagamitan para mabilis na makatugon sa mga sakuna tulad ng oil spill na labis na nakakaapekto rin sa kabuhayan ng ating mga kababayan tulad ng mga mangingisda.

Facebook Comments