Malaking pondo sa flood control program ng DPWH sa 2024 budget, nakwestyon ng mga senador

Nakwestyon ng ilang senador ang napakalaking panukalang budget para sa flood control program sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.

Sa budget briefing sa Senado, pinuna ni Senator Francis Escudero na ang P255 billion proposed flood control project ng DPWH ay mas malaki pa sa proposed budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of National Defense (DND).

Tanong pa ni Escudero na kung mahalaga ang food security at ang agrikultura sa gobyerno, bakit mas malaki pa rin ang pondo para sa flood control programs kumpara a P181 billion na pondo para sa agriculture sector.


Dismayado naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi pala kasama sa isinumiteng National Expenditure Program ang P10 bilyong pondo para sa paggawa ng 60-kilometer floodway sa Central Luzon na ipinamalaki kamakailan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na solusyon sa problema sa pagbaha sa mga lalawigan sa Central Luzon.

Nangako naman ang senador na sa pagsalang ng budget ng DPWH sa pagdinig ay kanya muling itatanong kay Bonoan ang proyekto at iba pang mga solusyon sa pagbaha.

Facebook Comments