Malaking sunog sa Bacolod City, nasa higit 100 na pamilya ang apektado

Isang malaking sunog ang sumiklab pasado 12:00 ng hating-gabi ng Biyernes, Setyembre 12, na idineklarang fire-out pasado 3:00 ng madaling-araw.

Ayon kay Barangay 27 Kagawad Roy Valderama, isa sa nasunugan, nag-umpisa ang apoy sa isang nirerentahan na bahay sa looban ng Purok Acasia 1.

Sa tantiya ni Valderama, nasa mahigit 30 bahay ang tinupok ng apoy dahil sa dikit-dikit ang mga ito at karamihan ay gawa sa light o mix materials.

Tinatayang nasa higit 100 na pamilya ang apektado.

Kaagad namang dinala sa Apolinario Mabini Elementary School ang mga nasunugan para sa pansamantalang paglikas.

Personal din na bumisita si Bacolod City Mayor Greg Gasataya sa mga nasunugan at kaagad nagpadala ng mga folding bed at pangunahing pangangailangan ng mga biktima sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng Bacolod Bureau of Fire Protection sa pinagmulan ng apoy.

Samantala, wala namang naiulat na sugatan o nasawi sa nasabing sunog.

Facebook Comments