Malaking sunog, sumiklab sa Lungsod ng Pagadian; dalawang commercial building, tinupok ng apoy

Nabalot ng kaba ang mga mamamayan ng Lungsod ng Pagadian matapos sumiklab ang malaking sunog sa sentro ng lungsod, partikular sa may F.S Pajarez Avenue sa Barangay Santiago kagabi, Oktubre 17.

Sa kabuuan, umabot sa dalawang commercial building at isang bodega na gawa sa light materials ang tinupok ng apoy.

Ang naturang mga commercial building ay nagbebenta ng mga pintura, tiles, at iba pang mga kasangkapan.

Ang sunog ay nagsimula bandang alas-8:00 ng gabi sa may Alvin Bazaar at kumalat ito sa katabing commercial building.

Agad naman itong nirespondehan ng Pagadian City Fire Station at mula sa mga karatig-bayan.

Sa kabuuan, umabot sa 14 firetruck ang rumesponde sa naturang sunog habang umabot naman sa ikatlong alarma ang sunog at idineklarang fire-out ng Bureau of Fire Protection bandang alas-11:57 ng gabi.

Wala namang natala na casualties sa naturang pangyayari.

Samantala, nagpasalamat naman si Pagadian City Mayor Sammy Co sa mga fire station mula sa mga karatig-bayan na nagpadala ng kanilang fire trucks upang maapula ang apoy.

Handa naman na tumulong ang city government sa mga establishmento na naapektuhan sa naturang sunog sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga heavy equipment na magagamit sa clearing operations.

Laking pasalamat din ni Mayor Co na hindi nadamay sa sunog ang mga boarding house sa likurang bahagi.

Aniya, malaki ang tulong ng mga firewall sa naturang mga establishmento upang hindi na kumalat pa ang apoy sa mga katabing gusali.

Sa ngayon, patuloy pa na nagsasagawa ng imbestigasyon ang BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.

Facebook Comments