Malalakas na aftershocks matapos ang pagtama ng magnitude 7 na lindol, patuloy na nararanasan sa Abra at kalapit na probinsya

Nababalot ngayon ng pangamba ang mga residente na apektado ng magnitude 7 na lindol sa Abra.

Patuloy pa rin kasi na nararanasan ngayon ang mga malalakas na aftershocks sa probinsya matapos ang pagtama ng malakas na lindol kahapon.

Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umakyat na sa 828 ang naitalang aftershocks, as of 11 AM.


Sa nasabing bilang, 176 ang matatagpuan malapit sa epicenter at 24 ang naramdaman.

May lakas ang mga aftershocks mula magnitude 1.5 hanggang 5.1 at posible na maranasan at tumagal ng ilang araw o buwan.

Kaninang madaling araw, sunod-sunod na nakaranas ng mga aftershock ang probinsya ng Abra at Ilocos Sur.

Alas 4:02 ng madaling araw, tumama ang magnitude 5.1 na lindol sa bayan ng Pidigan, Abra na may lalim ng sampung kilometro.

Sa parehong oras din, niyanig ng Magnitude 5 na lindol ang bayan naman ng Tayum na may lalim na 17 kilometers.

Bago iyan, naramdaman din ang magnitude 4.2 na lindol sa bayan pa rin ng Tayum kaninang alas 3:50 ng madaling araw at magnitude 5.1 sa bayan naman ng Suyo, Ilocos Sur kanainang alas 2:43 ng madaling araw.

Facebook Comments