
Naniniwala sina La Union Rep. Paolo Ortega V at Zambales Rep. Jay Khonghun na ang mga malalaking imbestigasyon sa nagdaang 19th Congress ay isa sa mga rason kaya tumaas ang tiwala ng publiko sa House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
Sinabi ito nina Ortega at Konghun makaraang makapagtala ang Kamara ng pinakamataas na trust rating na umabot sa 57 percent nitong Hulyo batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon kay Rep. Khonghun, mas naipakita sa publiko ang trabaho ng Kamara dahil sa mga matitinding mga pagdinig na umani ng milyun-milyong online views at tinutukan ng taumbayan.
Pangunahing binanggit nina Kunghon at Ortega ang mga imbestigasyong ikinasa ng House Quad Committee ukol sa Philippine Offshore and Gaming Operators o POGO, operasyon ng ilegal na droga at extra judicial killings sa ilalim ng Duterte war on drugs.
Binanggit din nina Ortega at Kunghon ang mga pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability ukol sa maling paggamit ng pondo ng Office of the Vice President, na naging basehan ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayundin ang pagdinig ng House Tri-Committee sa paglaban sa fake news at disinformation at ang mga pagdinig ng Quinta Comm, o Murang Pagkain Supercommittee.
Sabi naman ni House Spokesperson Atty. Princess Abante, ang mataas na trust rating ay patunay ng mga nakamit ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez nitong nakalipas na tatlong taon.









