Buo ang paniniwala ni Senator Leila De Lima na hindi lang ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations ang nakinabang sa bilyon-bilyong pisong kinita nito sa biniling pandemic supplies ng gobyerno.
Hinala ni De Lima ang bilyones na ibinayad sa Pharmally ni dating Procurement Service of the Department of Budget and Management OIC Lloyd Christopher Lao ay hindi lang bayad sa pandemic supplies kundi may ibang kamay rin umano na binagsakan.
Sa tingin ni De Lima, ang mga bigating personalidad na ito ang nasa likod kung bakit sa halip na isiwalat ang katotohanan ay mas pinili nina Mohit Dargani at Linconn Ong ng Pharmally na mabilanggo sa Pasay City Jail habang ang iba ay nagtatago or ayaw magsalita.
Sabi ni De Lima, ang naturang mga personalidad din ang umano’y nasa likod sa pagkuha kay Atty. Ferdinand Topacio para protektahan ang mga testigo.
Dahil dito ay lubos ang suporta ni De Lima sa paggamit ng Senado sa lahat ng kapangyarihan nito para halukayin ang buong katotohanan sa umano’y puno ng iregularidad na paggamit sa pera ng mamamayan na pantugon sa COVID-19 pandemic.