Nanawagan si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na magsagawa ng mas malalimang imbestigayson kaugnay sa nangyaring aksidente sa Skyway Extension Project sa Muntinlupa City.
Iginiit ni Biazon na masilip kaagad ang sanhi ng malfunction ng crane na naging dahilan naman ng pagbagsak ng steel girders ng Skyway upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Hiniling din ng kongresista ang agad na pagpapanagot sa contractor dahil sa pinsalang idinulot nito sa pamilya ng nasawi, mga sugatan, mga residente at sa iba pang mga nasirang properties.
Nanawagan naman si Construction Workers Solidarity (CWS) Party-List Rep. Romeo Momo Sr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Department of Labor and Employment (DOLE) na muling aralin ang mga pamantayan sa mga construction sites kasunod ng Skyway Project incident.
Mahalaga aniyang matukoy kung mayroong nalabag ang contractor patungkol sa safety at health protocols sa kanilang construction site at sa mga manggagawa.
Nanawagan din ang mambabatas sa pamunuan ng EEI Corp., ang contractor ng proyekto, na maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga naging biktima, lalo na sa hanay ng mga construction workers na ngayon ay apektado rin sa pansamantalang pagpapahinto sa proyekto.