Buo ang suporta ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa pagkakasa ng malalimang imbestigasyon ukol sa umano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa nasabat na 990 kilo ng shabu noong nakaraang taon.
Para kay Castro, dapat talagang maimbestigahan nang malaliman ang isyung ito dahil mukhang sa maraming antas ng police hierarchy ay sinasabing sangkot sa pagkuha ng 42 kilos na shabu at ang iba naman ay sangkot sa cover up ng kaso.
Ayon kay Castro, sa ganitong kalagayan at sa lawak at taas na ng ranggo ng mga sangkot ay makikita na mukhang dati na nila itong gawain maski sa ilalim ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at tumawid pa sa Marcos Jr. administration.
Diin pa ni Castro, marapat lang na maisiwalat din sa media ang lahat ng mga development sa kasong ito para masubaybayan ng mamamayan at hindi ma-white wash o i-cover up na lang ang kaso.