Iginiit ni Senator Leila de Lima sa mga otoridad na agad magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa lahat ng anggulo sa naganap na pagtakas kamakalawa ng apat na bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP).
Diin ni De Lima, mahalagang mabusisi ang posibleng kapabayaan sa panig ng mga opisyal ng Bureau of Corrections o sabwatan sa pagitan ng mga awtoridad at Persons Deprived of Liberties o PDLs.
Palaisipan kay De Lima ang sunod-sunod na gulo at kababalaghan na nangyayari sa mga bilangguan.
Tinukoy ni De Lima na wala pang isang buwan ang nakalipas nang maganap ang karahasan na ikinamatay ng ilang PDLs sa Bilibid at Caloocan City Jail, pero heto at may panibagong insidente sa NBP.
Malaking tanong din ni De Lima kung bakit o paano nagkaroon ng armas ang mga bilanggo na naglagay rin ng malubhang peligro sa publiko.
Para kay De Lima, ang mga insidenteng ito ay dapat maging “wake-up call” sa gobyerno para mas higpitan pa ang seguridad at magpatupad ng kailangang reporma sa prison at correctional system sa bansa.
Umaasa din si De Lima na aaksyunan na ng Senado ang mga inihain niyang panukalang batas na naglalayong magpatupad ng kumprehensibong reporma sa mga bilangguan sa bansa.