Malalimang pag-aaral para matukoy ang dahilan ng hindi magandang sitwasyon sa NAIA, iginiit ng isang kongresista

Labis na ikinakabahala ni OFW Party-list Rep. Marisa Del Mar Magsino ang umiiral na kalagayan ngayon sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminals 2 at 3.

Pangunahing tinukoy ni Magsino ang napaulat na insidente ng surot at daga sa NAIA, dagdag pa ang patuloy na problema sa congestion sa loob ng paliparan at ang mabagal na daloy ng trapiko sa paligid nito.

Bunsod nito ay iginiit ni Magsino sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng malalim na pag-aaral kung ano ang dahilan ng nabanggit na mga problema sa NAIA na nakakaapekto sa imahe ng ating bansa sa pandaigdigang komunidad.


Ayon kay Magsino, hindi na nawala ang matinding congestion at delay sa loob ng airport, lalo ang pila sa immigration at maging sa halos hindi gumagalaw na trapiko paikot sa NAIA Terminal 3.

Diin ni Magsino, ang ating mga paliparan ay hindi lamang gateway sa ating tourism industry kung hindi pati ng ating labor migration dahil ang pagkaantala sa proseso sa departure ng ating mga OFWs ay naglalagay sa peligro ng kanilang kabuhayan.

Facebook Comments