Nanawagan ang grupo ng mga hog raisers at poultry farming na tutukan at pakialaman na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu o problema sa suplay at presyo ng mga baboy at manok.
Ayon kay Nick Briones, Presidente ng Agriculture Sector Alliance of the Philippines at Vice President ng Pork Producers of the Philippines, dapat na itigil ang ipinapatupad na price ceiling at maiging magkaroon na ng malawakang dayalogo o agriculture summit upang maresolba ang problema.
Aniya, parusa para sa kanila ang naging suhestyon ni Agriculture Secretary William Dar na price ceiling dahil marami ang naaapektuhan hindi lamang sa kanilang panig maging sa iba pang sektor lalo na ang mga consumers.
Muli ring iginiit ng grupo na walang nangyayaring pagmamanipula sa presyo ng mga baboy at manok kung saan kulang umano talaga ang suplay ng mga ito dahil sa pagtaas ng production cost.
Wala rin naman daw mangyayari sa gagawing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil wala naman traders na nagmamanipula kung saan nagbebenta ang mga ito depende sa kuha nila ng baboy at manok.
Sinabi pa ni Briones na tila mas pinapapaboran pa ni Dar ang mga nag-i-import ng baboy at manok dahil wala itong ipinatupad na price ceiling para sa mga frozen meat.
Sa huli, muling iginigiit ng grupo na maiging pag-aaralan muli ng Department of Agriculture (DA) ang ipinapatupad na kautusan lalo na’t posibleng magtagal ang pork holiday dahil sa wala ng gustong magbenta habang inaasahan na nila na tataas ang iba pang bilihin.