Ipinanawagan ng isang kongresista ang malawakang public health at medical education gayundin ang pinaigting na information drive para sa benepisyo ng COVID-19 vaccine.
Tinututulan kasi ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang “mandatory” o sapilitang pagpapabakuna sa mga tao dahil ito ay walang ligal na batayan at paglabag sa karapatang pantao.
Giit ng kongresista, ang dapat na mayroon ngayon ay sapat at malawakang health at medical education at mas pinalakas pa na pagpapakalat ng impormasyon sa bakuna nang sa gayon ay maunawaan ng publiko ang kahalagahan ng COVID-19 vaccines.
Sa katunayan aniya, ang kailangan din ngayon ay mas marami pang bakuna at pantay na distribusyon ng bakuna sa bawat sulok ng bansa.
Mahalaga rin aniya ang “full transparency” at information campaigns upang maraming Pilipino ang makakita sa kahalagahan ng bakunahan sa paglaban sa pandemya.
Isinisi naman ni Zarate sa incompetence at mishandling ng pamahalaan sa pandemic ang pagkakaroon ng mga tao ng pag-aalinlangan sa COVID-19 vaccine.
Punto pa ng mambabatas, ang public health education ang susi para makumbinsi ang mga mamamayan na magpabakuna na.