Malawakang imbestigasyon pinanawagan dahil sa pinsalang tinamo ng Clark International Airport

Ipinanawagan ng isang consumer group na maimbestigahan ang pinsalang tinamo ng Clark International Airport sa Pampanga dahil sa malakas na lindol kahapon.

Ayon kay RJ Javellana, presidente ng

United Filipino Consumers and Commuters, hindi maiwasan ang takot hinggil sa kaligtasan sa paggamit ng nasabing paliparan hindi lamang ng mga taga-Pampanga kundi maging ang iba pang mga pasaherong nanggagaling sa ibat-ibang panig ng Luzon.


Aniya, dapat magkaroon ng malawakang imbestigasyon sa kung anong mga materyales ang ginamit sa pagpapatayo ng nasabing paliparan na kung tutuusin ay bago pa lamang.

Dahil sa 6.1 magnitude na lindol, suspendido ang operasyon ng Clark International Airport. Nagdulot din ng malawakang pagkasira ng mga gusali at matinding pangamba ang lindol lalo na sa mga lugar kung saan marami ang mga nakatayong high-rise building at mga condominium.

Sa inisyal na pagsusuri, lumalabas  na ang Steel Asia ang nagsupply ng bakal na ginamit sa expansion at modernisasyon ng Clark International Airport.

Facebook Comments