Naging mapayapa ang isinagawang malawakang kilos-protesta ng iba’t-ibang militanteng grupo sa lungsod ng Maynila kasabay ng Bonifacio Day.
Ayon sa Manila Police District (MPD), pasado alas-dose ng tanghali ay nag-alisan na ang mga nakisama sa rally.
Dagdag pa ng MPD, sa kanilang pagtataya ay nasa higit 1,500 ang mga nakibahagi ng kilos-protesta sa nasabing lungsod.
Pero, batay sa mga organizers ng rally ay nasa 4,000 hanggang 5,000 ang mga tao sa Mendiola kanina.
Umabot sa limang oras ang isinagawang kilos-protesta mula sa Plaza Miranda hanggang Mendiola.
Umaasa naman ang mga grupo ng mga manggagawa na narinig at bigyang-pansin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kanilang panawagang taas-sahod para sa mga empleyado ng pribado at pampublikong sektor.