Iminungkahi ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Representative Joey Sarte Salceda ang pagsasagawa ng nationwide consultations sa mga tourism stakeholders para maikasa ang totoong rebranding at pagbuhay sa sektor ng turismo.
Kaakibat nito ay sinabi ni Salceda na makabubuting mag-move on na ang lahat at pumulot ng aral mula sa kontrobersyal na “Love the Philippines” campaign video ng Department of Tourism (DOT).
Binanggit ni Salceda na maaring tularan ang konsepto ng ‘Sulong Pilipinas’ noong Duterte administration kung saan nag-ikot at inalam ang pulso ng mga Pilipino hinggil sa iba’t ibang isyu sa iba’t ibang sektor gaya ng agrikultura at edukasyon.
Sabi ni Salceda, dito nabuo ang Dutertenomics, Build, Build, Build, Comprehensive Tax Reform Program, Ease of Doing Business Act, Rice Tariffication, at Universal Health Care Law.
Diin ni Salceda, maaring magsagawa ng ‘Sulong Turismo’ consultation tungkol sa attractions, accessibility, Amenities, available packages, activities, at ancillary services ng turismo sa bansa.
Dagdag ni Salceda, dapat isama sa konsultasyon ang airport at airlines lalo at ang bentahe ng ibang mga bansa ay ang magaganda nilang paliparan at de-kalidad na mga airlines.