Ipupursige ng bagong kalihim ng Department of National Defense (DND) na mapigilan ang posibleng malawakang maagang pagri-retiro ng mga sundalo.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DND Secretary Gilbert Teodoro na sa pamamagitan ng patuloy na non-monetary benefits para sa mga sundalo at kanilang pamilya ay inaasahang mapipigil ang mga ito sa maagang pagri-retiro hanggang sumapit ang mandatory retirement ng mga ito.
Ayon sa kalihim, kabilang sa non-monetary benefits ay ang healthcare service at skills upgrading initiatives para sa mga ito.
Ang pahayag ni Teodoro ay dahil sa pagkabahala ng mga enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa napipintong reporma sa military and uniformed personnel pension system.
Kaya karamihan raw sa mga ito ay gustong maaga na lamang magretiro.
Pero ayon kay Teodoro, kailangan lang naman na maayos na maipaliwanang sa mga sundalo kung bakit kailangang ayusin ang sistema sa kanilang pension.
Hindi raw biglaan ang gagawing reporma sa halip dahan-dahan hanggang mapanatili ang maayos na financial standing nito para masustentuhan ang pension ng lahat ng mga retiradong sundalo at mga magri-retiro pa.