Inanunsyo ngayon ng Quezon City Government na aarangkada na muli ang malawakang Oplan Baklas sa lungsod.
Ayon sa QC LGU na layon nito na tanggalin at pagbabaklasin ang mga streamer, tarpaulin, billboard at iba pang political at advertising propaganda na nakapaskil sa mga hindi awtorisadong lugar.
Kapansin-pansin kasi ang mistulang fiesta, na mga nakasabit na mga banner na naglalaman ng pagmumukha ng mga kandidato lokal man o national na nagkalat sa iba’t ibang lugar sa lunsod.
Iginiit ng LGU ang umiiral na city ordinance na nagbabawal sa pagsasabit ng anumang political propaganda maging ng mga ads ng mga produkto sa ipinagbabawal na lugar gaya ng poste ng Meralco, pampublikong kagamitan at pasilidad tulad ng street signs, traffic lights, signal posts, tulay maging ng mga overpass.
Babala ng Quezon City government sa mga politiko at ganundin sa mga negosyante na ngayon pa lang ay magkusa nang magtanggal ng mga election at advertising material dahil kasado na ang malawakang operation baklas na isasagawa anumang araw at oras.