MALAWAKANG PAGBABAKUNA KONTRA TIGDAS, PINAGHAHANDAAN NA SA ILOCOS REGION

Pinaghahandaan na sa Ilocos Region ang malawakang pagbabakuna kontra tigdas bilang bahagi ng implementasyon ng Ligtas Tigdas o Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) na isasagawa sa buong bansa.

Ayon sa Department of Health, sinimulan na ang kampanya sa Mindanao at susundan ng Luzon at Visayas sa darating na Hunyo.

Kaugnay nito, nagsimula na ang ilang lokal na pamahalaan sa rehiyon ng paghahanda sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor tulad ng civil society at faith-based organizations.

Sa bayan ng Agoo, La Union, nagsagawa na ng koordinasyon ang Rural Health Unit at ang Sta. Monica Parish Council upang palakasin ang information drive kaugnay ng kahalagahan ng pagbabakuna.

Namahagi ang mga ito ng polyeto sa mga magulang at nagpaalala tungkol sa benepisyo ng bakuna sa pag-iwas sa tigdas at iba pang nakahahawang sakit.

Layunin ng MR-SIA na mabigyan ng karagdagang bakuna ang lahat ng batang may edad anim hanggang 59 na buwan, anuman ang kanilang dating vaccination status, upang maiwasan ang pagkalat ng tigdas at tigdas-hangin o rubella.

Tiniyak naman ng DOH Ilocos Region na libre, ligtas, at epektibo ang mga bakunang ibibigay at nakahanda ang mga health worker sa mga health center at itatalagang vaccination sites ng mga lokal na pamahalaan sa oras ng pagsasagawa ng aktibidad.

Facebook Comments