Sinimulan ngayong Pebrero ng lokal na pamahalaan ng Pozorrubio ang malawakang pagbabakuna sa mga alagang hayop bilang bahagi ng taunang Massive Vaccination Program ng bayan.
Ayon sa Municipal Agriculture Office, kabilang sa mga serbisyong isasagawa ang anti-rabies vaccination, deworming, pagbibigay ng bitamina, castration, at animal consultation para sa mga aso at pusa, gayundin ang branding ng malalaking hayop tulad ng baka at kalabaw.
Simula noong Martes Pebrero 3, nauna nang nabisita ng programa ang mga Barangay Maambal, Haway,at Bantugan, habang nakatakda naman ngayong araw, Pebrero 6 sa Barangay Castaño.
Layunin ng programa na maprotektahan ang kalusugan ng mga alagang hayop at maiwasan ang pagkalat ng sakit, partikular ang rabies, na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang mga opisyal ng barangay para sa iskedyul ng pagbabakuna sa kani-kanilang lugar.










