Umarangkada na ang malakawakang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga menor de edad na may comorbidities sa lungsod ng Maynila.
Ito’y pawang mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos kung saan isinasagawa ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa limang district hospital sa lungsod.
Kabilang dito ang Gat Andres Bonifacio Medical Center; Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Sta. Ana Hospital.
Naglaan ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng tig-150 doses ng bakuna kontra COVID-19 sa bawat ospital.
Sa huling datos ng Manila Local Government Unit (LGU), nasa higit 40,000 na ang bilang ng mga nagparehistrong mga kabataan na nais maturukan ng bakuna.
Sa kabila nito, hinihimok pa rin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ilang mga magulang na ipalista na ang kanilang mga anak upang magkaroon na ng panlaban kontra COVID-19 lalo na’t nagkakaroon na ng iba’t ibang variant ng nasabing virus.