Malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, pinasisilip ng Kamara

Pinaiimbestigahan ng Kamara ang matinding pagbaha na nagpalubog sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.

Mismong sina Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang naghain ng House Resolution 1348 na nag-aatas na siyasatin agad “in aid of legislation” ang nangyaring malawakang pagbaha sa mga nabanggit na lugar.

Giit dito ni Velasco, kinakailangang masuri kung ano ang mga naging hakbang sa Cagayan at Isabela habang, bago at pagkatapos ng pananalasa ng bagyo.


Sa pagpapatawag na magsagawa ng imbestigasyon ay tinukoy ng tatlong House leaders ang gravity o bigat ng hindi inaasahang sitwasyon, geographic propensity ng bansa sa mga natural calamities at ang kahalagahan na mapigilan ang kaparehong sitwasyon sa hinaharap.

Partikular na tinukoy ng mga kongresista na silipin ang mabilis na pag-agos ng tubig sa reservoir, ang hindi pagsunod sa batas, mga alituntunin at iba pang regulasyon na posibleng naging contributory effect sa pag-apaw ng tubig sa Cagayan River.

Pinasisiyasat din kung nakasunod ba sa guidelines at protocols ang desisyon ng National Irrigation Administration (NIA) na buksan ang pitong spillway gates ng Magat Dam na itinuturong dahilan sa pagtaas ng baha.

Umabot na sa 67 ang nasawi dahil sa Bagyong Ulysses, 20 ang nawawala at ₱1.5 billion na ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura.

Facebook Comments