Isinisi ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa talamak na illegal logging ang nangyaring malawakang pagbaha sa probinsya.
Bukod sa iligal na pagpuputol ng mga puno, problema rin sa probinsya ang conversion ng mga bundok bilang taniman ng mais.
Ayon pa kay Cagayan Public Information Officer Rogie Sending, posible ring nakapagpalala sa naranasang pagbaha ang epekto sa kalikasan ng pagmimina sa upper Cagayan Valley Region.
Ang Cagayan ay itinuturing na “catch basin” ng lahat ng tubig na nanggagaling sa Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya maging sa Cordillera provinces.
“Ito po ay suma ng pagpapabaya sa kalikasan, ng illegal logging. Kaya nga panay ang aming panawagan na sana magkaroon ng flood summit para nang sa gayon ang mga karatig lalawigan naman namin lalong lalo na iyong sa upper Cagayan Valley Region makita din na kailangang magtulong-tulong. Maging man sila ay nagdurusa ngunit higit kami ang bumabalikat ng kalbaryong ito,” ani Sending.
Samantala, sa interview rin ng RMN Manila, nilinaw ni Isabela Governor Rodolfo Albano na wala nang malawakang pagmimina at pagpuputol ng mga puno sa probinsya.
Giit pa ni Albano, hindi rin dapat isisi sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam ang paglubog sa baha ng maraming lugar sa Cagayan Valley.
Apela pa ng gobernador, itigil ang turuan at sisihan sa nangyari.
“Kasi 600 megawatts ang naibibigay niyang kuryente e, so kapag napuno yan, isipin mo yung pressure. Tsaka kapag hindi nag-release yan at bumigay, pag nagka-crack ng konti yan, dun sa pressure na yan, mapupuno yan parang pinukpok mo ng martilyo, tuloy-tuloy yan, parang itlog yan, boom! Sasabog!” paliwanag ni Albano.
Matatandaang sa situation briefing kahapon sa Cagayan, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Enviroment and Natural Resources (DENR) na silipin ang illegal mining activities sa Cagayan Valley kasunod ng matinding pagbaha sa rehiyon.
Sinabihan din niya ang mga lokal na pamahalaan na gawin ang kanilang tungkulin para matigil ang mga iligal na aktibidad sa kanilang mga probinsya.
Ang Cagayan at Isabela ay nakasailalim na sa state of calamity.