Malawakang paghuhukay ng buhangin sa Zambales, ipinatitigil ng Anti Trapo Movement of the Philippines

Pinatitigil ng isang cause-oriented group sa Department of Environment and Natural Resources ang malawakang quarrying sa Bucao River sa bayan ng Botolan, Zambales.

 

Dinala ng grupong Anti Trapo Movement of the Philippines sa pangunguna ng kanilang Founding Chairman Leon Peralta ang reklamo sa tanggapan ng DENR laban sa China Harbor Engineering Corp., Global Sand Inc., Seven West Inc., Magna Corp Realty Development Corp. at Harley Construction.

 

Ayon kay ATM Legal Counsel Atty. Melchor Magdamo, malaki na ang nasira sa kalikasan ng Botolan dahil sa ginagawang quarrying.


 

Aniya, ang mga nabanggit na mga kompanya ay gumagamit umano ng 3 in 1 dredging equipment na halos kahalintulad ng ginawang reclamation ng China sa West Philippine Sea.

 

Lumampas na rin umano ang mga ito sa itinakda na exclusive river dredging zone kung kaya’t nababahala na ang mga residente doon dahil sa malawakang pamiminsala sa karagatan.

 

Sa ngayon, nakakaranas na ang mga residente doon ng pagtaas ng sea water level na umaabot ng 10 hanggang 12 metro habang nagiging maalat na rin ang kanilang tubig inumin.

 

Paliwanag ng ATM, kinomisyon ng nabanggit na mga kompanya na pagmamay-ari ng mga dayuhan ang nasa sampung cargo vessels upang dalhin ang mga nakuhang buhangin sa Maynila na siyang ginagamit para sa nagpapatuloy na reclamation projects sa Manila Bay.

Facebook Comments