Napigilan sana ang nangyaring malawakang pagkawala ng kuryente sa Western Visayas kung natapos sana sa takdang oras ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang 230 kilovolt Cebu-Negros-Panay (CNP) Backbone project.
Ito ang binigyang diin ng Department of Energy (DOE), kasunod ng pagkaantala ng proyekto ng hindi bababa sa pitong beses mula sa original na petsa nito noong December 2020.
Ayon kay Energy Assistant Secretary Mario Marasigan, responsibilidad umano ng NGCP na ipatupad ang Thermal Development Plan na babalangkas sa proyekto para sa modernisasyon ng transmission system.
Aniya, ito’y upang matiyak na may aasahan ang publiko na magsu-suplay ng kuryente sa buong lugar maging ang pagpapalawak at pagdaragdag ng capacity nito mula sa renewable energy (RE) alinsunod sa target na minimum na 50% renewable energy generation mix sa taong 2040.
Kung maaalala, naglabas ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng show-cause order laban sa NGCP noong July 2023 dahil sa pagkaantala sa 37 transmission projects.
Ang ilan sa mga matagal nang naantalang proyekto rehiyon ng Visayas ay kinabibilangan ng Stage 2 at 3 ng CNP 230 kV Backbone Project, Cebu-Lapu Lapu Transmission Project, Mindanao-Visayas Interconnection Project, Naga (Cebu) Sub-station Upgrading Project, Tagbiliran 69 kV Substation Project at Visayas Voltage Improvement Project.
Samantala, patuloy naman na nakikipagtulungan ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa lahat ng stakeholders sa Panay at Regional Development Council ng Region 6 para matiyak na hindi na maulit pa ang nangyaring malawakang power interruption.