Walang nakikitang indikasyon ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na mauuwi sa malawakang pagkawala ng trabaho ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang patuloy na banta ng COVID-19 sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Sa Laging Handa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na gusting-gusto ng mga employers abroad ang ating mga kababayan dahil sa ipinamamalas nilang galing at dedikasyon sa trabaho.
Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na nakapagbigay na ang ahensya ng higit ₱84M na financial assistance sa 84,480 OFWs na apektado ng mga naunang travel ban sa Hong Kong, Macau, China at Taiwan.
Maging ang mahigit 400 na mga Pilipinong sakay ng MV Diamond Princess cruise ship na napauwi na rito sa bansa ay may tulong ding matatanggap mula sa OWWA.
Maliban sa ₱10,000 financial assistance, bibigyan din sila ng pamasahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsiya pagkatapos ng kanilang 14-day quarantine period at karagdagang ₱20,000 livelihood assistance para naman sa mga gusto nang manatili rito sa bansa o ayaw nang magsibalik sa trabaho nila sa ibang bansa.
Sa kabila nito, tuloy pa rin naman, aniya, ang pagpapadala ng mga OFW sa ibang mga bansa sa ibang panig ng mundo na hindi apektado ng COVID-19.