Malawakang power outage sa Iloilo, naka-apekto sa ekonomiya at nagdulot umano ng pagkakasakit sa mga residente ng Iloilo

Inihayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin na nagsisimula nang magkasakit ang mga residente sa lalawigan dahil sa matinding init bunga ng malawakang pagkawala ng kuryente sa Western Visayas na nagsimula noong January 2.

Ayon kay Garin, apektado rin ng naturang brownout ang buong Pilipinas dahil sa naging epekto nito sa ekonomiya at sa kabuhayan ng mga mangingisda dagdag pa ang maraming hindi nakapagnegosyo at nawalan ng kita.

Tinukoy ni Garin ang sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na base sa datos mula sa Local Economic Development and Investment Promotion Office ay aabot sa ₱400 milyon hanggang ₱500-M kada araw ang nawawalang kita dahil sa power interruptions, na umaabot sa ₱1.5-B sa ikatlong araw ng blackout.


Inaasahan ni Garin na sa gagawing pagsisiyasat ng Kongreso ay mapapanagot ang mga responsable sa naturang blackout.

Kinastigo din ni Garin ang batuhan ng sisi o pagtuturuan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at mga power generators.

Facebook Comments