
Naniniwala ang ilang political analyst na isang show of force o pagpapakita ng pwersa laban sa administrasyon ang ikakasang tatlong araw na malawakang kilos protesta ng Iglesia ni Cristo (INC).
Sabi ni Arjan Aguirre ng Ateneo de Manila University Department of Political Science, tila mauulit lamang ang nangyari noong Enero kung saan ipapakita ng mga ito ang dami ng kanilang miyembro.
Pagpaparamdam din aniya ito ng kanilang kahalagahan at pantapat sa lumalaking papel ng Simbahang Katolika sa mobilisasyon ng taumbayan laban sa isyu ng flood control.
Sinabi pa ni Aguirre na ang pagkilos ay bahagi ng kanilang pagtaya sa posibleng kandidatura ni Vice President Sara Duterte bilang pangulo sa 2028 elections.
Una nang sinabi ng isa pang political analyst na si Ronald Llamas na wala umanong kredibilidad ang mga endorser at supporter ng mga magnanakaw at mga sangkot sa extrajudicial killing (EJK) na tumindig laban sa katiwalian.
Noong Enero, nagkasa ng malawakang National Rally for Peace ang INC na dinaluhan ng tinatayang mahigit isang milyon nilang miyembro.
Suspendido naman ang face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila sa November 17 at 18 habang may inilabas na ring road closures sa mga nasabing araw.
Magde-deploy din ng mga team ang lokal na pamahalaan ng Maynila para i-monitor ang sitwasyon sa pagtitipon.









