
Walang direktang banta sa posisyon at sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa ilulunsad na malawakang kilos-protesta laban sa korapsyon sa September 21.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bagama’t may nakaraang pagbabanta mula kay Vice President Sara Duterte, wala nang natanggap na bagong intel report na may threat ang pangulo.
Paglilinaw ni Castro, mas pinili lang ng pangulo na ituon ang kaniyang oras sa mga lokal na usapin tulad ng pagbabantay sa bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI), presyo ng bilihin, at iba pang pangunahing pangangailangan ng publiko.
Hindi rin aniya naging dahilan ng desisyon ang mga nakatakdang kilos-protesta sa parehong petsa ng UN General Assembly dahil naniniwala ang pangulo na normal ang mga protesta at bahagi ito ng demokrasya.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Castro na naka-monitor ang National Security Council (NSC) pagdating sa seguridad ng pangulo.









