Malawakang reporma at balasahan sa Philippine Contractors Accreditation Board , ipatutupad din ng DPWH at DTI

Asahan din ang malawakang balasahan at reporma sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), kasunod ng ulat ni Senador Panfilo Lacson na kinasasangkutan diumano ng PCAB ang ilang maanomalyang flood control projects.

Ang PCAB ay isang attached agency sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), na nangangasiwa sa lahat ng contractors, sub-contractors, at specialty contractors sa bansa.

Sa Malacanang press briefing, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanila ni DTI Secretary Maria Cristina Roque na ayusin ang sistema sa PCAB, na siyang nangangasiwa sa lahat ng contractors, subcontractors, at specialty contractors sa bansa.

Ayon kay Dizon, target nilang higpitan ang mga requirement bago makakuha ng accreditation, para matiyak na kwalipikado at walang bahid ng katiwalian ang mga kontratistang binibigyan ng lisensya.

Kasabay nito, tiniyak ni Dizon na magkakaroon ng pangmatagalang safety nets para hindi na maulit ang mga malalaking anomalya at kontrobersiya sa DPWH.

Facebook Comments