Malawakang reporma, ipinapatupad sa BOC para iwas korapsyon

Nagsasagawa ng malawakang reporma ang Bureau of Customs (BOC) sa kanilang ahensiya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na linisin ang ahensiya mula sa katiwalian at ibalik ang tiwala ng publiko.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang malawakang reporma na nakatuon sa buong automation, transparency, at accountability ay layong ayusin ang sistema at mawala ang pagkakataong magkaroon ng pang-aabuso.

Sinabi ng opisyal na ang automation ang isa sa daan tungo sa pagbabago kung saan kasama rito ang buong operasyon ng Customs mula sa goods declaration at risk management hanggang sa cargo examination, pagbabayad, at pagpapalabas ng kargamento.

Sa ilalim aniya nito, mababawasan ang harapang transaksyon at magpapabilis ng serbisyo.

Makakatulong din daw ito para maiwasan ang mga pagkaantala at mga balakid sa daloy ng sistema.

Una na ring ipinag-utos ni Nepomuceno ang pansamantalang suspensyon ng pag-iisyu ng Letter of Authority (LOA) para sa inspeksyon ng mga bodega para tiyakin na ito ay makatarungan at kinakailangan.

Samantala, pinagbawalan na ang mga empleyado ng BOC na maging customs broker upang maiwasan ang conflict of interest habang ipinatupad din ang tatlong taon na bisa ng BOC accreditation para sa mga importer at exporter.

Facebook Comments