Niluluto na ng iba’t ibang grupo ng transportasyon ang isang one-time bigtime transport strike sa gitna ng sunod-sunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Ka Lando Marquez, Presidente ng Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas (LTOP), nagpulong na ang iba’t ibang lider ng transportasyon sa NCR, CALABARZON at Central Luzon para isagawa ang malawakang tigil-pasada.
Aniya, sobra na ang pagka-dismaya nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa kawalan nito ng aksyon sa hirit nilang ibalik muna ang pisong provisional increase habang dinidinig ang mga petisyon nila para sa taas-pasahe.
Babala ng grupo, may hanggang katapusan ng Pebrero ang LTFRB para pagbigyan ang kanilang hiling.
Nabatid na umabot na sa P10 ang itinaas sa presyo ng kada litro ng diesel simula noong Enero kasunod ng ika-pitong oil price hike noong Martes.