Cauayan City – Tiniyak ni Sangguniang Panlungsod Paolo Eleazar “Miko” Delmendo na hindi makokompromiso ang karapatan pagdating sa malayang pamamahayag sa isinusulong na ordinansa kontra fake news sa lungsod ng Cauayan.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Hon. Miko Delmendo, target ng ordinansang ito na sugpuin ang sinumang indibidwal, kumpanya, o ahensya na mayroong intensyon na magpakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at pangamba sa publiko.
Aniya oras na ito ay tuluyan ng maipatupad, ang sinumang mapatunayang lalabag ay posibleng magbayad ng P5,000 na multa o di kaya naman ay mahaharap sa 1 hanggang 30 araw na pagkakakulong, depende sa desisyon ng korte.
Sinabi ni Hon. Delmendo na kabilang sa mga exemptions sa ordinansa ay ang mga pagkakataon na may naisapublikong impormasyon o balita na mayroong hindi sinasadyang pagkakamali at wala namang intensyon na magdulot ng pagkalito, takot, at pangamba sa publiko ay hindi mapaparusahan basta’t kaagad nilang kikilalanin at itatama ang kanilang pagkakamali.
Samantala, ikinatuwa naman ng konsehal ang pagpapakita ng suporta ng media entities sa lungsod ng Cauayan pagdating sa pagpapatupad ng nabanggit na ordinansa.
Panuorin ang kanyang naging pahayag:CLICK HERE!