Kinakailangang muling palakasin at pagandahin ang relasyon ng Pilipinas at Malaysia lalo’t parehong nasa estado ng post-pandemic recovery.
Ito ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pakikipagpulong kay Malaysia King Al-Sultan Abdullah at Queen Azizah, kaugnay sa kanyang dalawang araw ng state visit sa Malaysia.
Ang pangulo ay tumungo kaninang umaga sa Istana Negara o sa Malaysia National Palace.
Siya ay binigyan ng State Welcome Ceremony kabilang na ang 21-gun salute.
Sa mensahe ng pangulo sa nasabing pagbisita, inihayag nitong naniniwala siyang ang state visit niya sa Malaysia ay isang magandang pagkakataon para ma-refocus ang layunin ng Pilipinas at Malaysia para magtulungan sa pagharap sa post-pandemic future.
Ayon sa pangulo, sa post-pandemic scenario magkakaiba ang tinatahak na pagsubok ng dalawang bansa.
Ang pagiging miyembro aniya nila sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at sa Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) ay makakatulong para mas mapalakas ang kanilang relasyon at makapagsimula muli matapos ang dalawa at kalahating taong pandemya.
Ayon sa presidente, dapat na bumuo ang Pilipinas at Malaysia ng pagbabago para mas maging competitive na mga bansa.