Manila, Philippines – Umaasa si Senate President Tito Sotto III na may gagawing aksyong ang Presidential Communications Operations Office o PCOO matapos kumalat ang kontrobesyal na I-Pederalismo dance video.
Para kay Sotto, makikita sa nabanggit na video na mali ang paraan ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson ng paglalahad ng kaalaman ukol sa Pederalismo sa pamamagitan ng social media.
Diin pa ni Sotto at ni Senator Nancy Binay, hindi dapat hinahaluan ng biro ang pagpapaliwang sa Pederalismo dahil ito ay isang seryosong usapin.
Ayon kay Binay, dapat pagbawalan o patigilan na ng malakanyang ang sinuman na walang kinalaman sa Federalism dahil sayang lang ang 90-million pesos na pondo na mas makabubuting ilaan sa medisina at tulong sa mga biktima ng kalamidad at sakuna.
Giit naman ni Senator Kiko Pangilinan, kababuyan at kalaswaan ang tawag sa nabanggit na I-Pederalismo dance video na hindi dapat palampasin ng administrasyon.
Bunsod nito ay pinagpapaliwanag din ni Pangilinan si Communications Secretary Martin Andanar ukol sa umano ay mga kalaswaan at kababuyan na nangyayari sa kanyang tanggapan na ginagawa ng mga tauhan niya gamit ang pondo, oras at kagamitan ng gobyerno.
Itinuturing naman ni Senator Chiz Escudero ang nabanggit na video na desperadong paraang para makakuha ng atensyon na walang puwang sa talakayan kaugnay sa isang napakahalagang usapin.
Paalala naman ni Senator Cynthia Villar sa mga nasa gobyerno, dapat maging maingat dahil pondo ng taongbayan ang gamit nila.
Nauna ng sinabi ni Senator Ping Lacson na patay o cremated na ang panukalang Pederalismo sa Senado at dahil sa ginawa ni Asec. Mocha ay lalo lang nilipad ng hangin ang abo nito at Kumalat na sa mahigit pitong libong isla na bumubuo sa Pilipinas.