‘Mali ba ang maging loyal sa Pangulo?’ Sen. Bato, may resbak kay DJ Chacha

3146
Images from Twitter/DJ Chacha and Sen. Bato dela Rosa's Facebook page

May buwelta si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa hirit ng isang radio personality na magbitiw siya sa Mataas na Kapulungan at mag-apply na lamang bilang body guard ni Presidente Rodrigo Duterte.

Sa text message na ipinadala sa mga reporter, tahasang sinabi ni dela Rosa na “baka chacha lamang ang alam” ni DJ Chacha ng MOR 101.9 o Czarina Balba sa totoong buhay.


“Mali ba ang maging loyal sa isang duly elected President who is after the welfare of his people and who is willing to confront the oligarchs who have been bastardizing this country for so long?”  banat pa ni dela Rosa.

“Sabihan mo sya, I am willing to hear her answer,” dagdag ng senador.

Sa tweet ng radio jock nitong Martes, hinamon niya si dela Rosa na magsilbing bodyguard ng Pangulo dahil sa pambihirang loyalty nito at handa naman raw itong mamamatay para kay PRRD.

“Naniniwala akong mas mahal ni Bato ang Pangulo kaysa sa asawa niya. Nangako pa hanggang kamatayan! Taray! IBA,” banat pa ni DJ Chacha.

Nag-ugat ang patutsada ng radio personality matapos sabihin ng opisyal na mas importante ang kapakanan ng mga mamamayang “sinamantala ng kompanya” kaysa sa 11,000 empleyado ng ABS-CBN na puwedeng mawalan ng trabaho kapag napaso na ang prangkisa nito sa Marso 30.

Bagaman hindi diretsahang sinagot ni dela Rosa kung pabor siya sa renewal ng franchise ng Kapamilya network, binanggit naman niyang: “Ako, I will live and die with President [Rodrigo] Duterte. I will sink and swim with him. Hindi ako plastic na magsabing wala akong bias. Totoong tao ako na magsabi na may bias ako towards the president.

Facebook Comments